MANILA, Philippines — Dahil sa sunud-sunod na kontrobersiyang kinasasangkutan, naospital si ACTS OFW partylist Rep. Aniceto John Bertiz.
Ayon kay Bertiz, noong Martes ay nagpa-confine na siya dahil sa pananakit ng dibdib resulta ng sobrang stress at hindi makatulog bunga ng mga kontrobersiyang kinasasangkutan.
Paliwanag ni Bertiz, siya ay sumailalim na rin sa angioplasty noong nakaraang taon dahil sa bara sa tatlong ugat sa puso.
Ayaw sanang isapubliko ito ng kongresista, subalit dahil si House minority leader Danilo Suarez ang unang nagsalita dito ay napilitan na ang kongresista na kumpirmahin ang impormasyon.
Idinagdag pa ni Bertiz na hindi siya makakadalo sa hearing ng Ethics committee ngayong hapon kaugnay ng insidente sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil hindi siya pinayagan ng doktor na lumabas ng ospital.
Samantala, nilinaw naman ni Suarez na bagamat miyembro ng minorya si Bertiz ay hindi nila kukunsintihin ang kanyang ginawa.
Subalit paiimbestigahan din umano nila sa Kamara ang paglabas ng CCTV footage ng insidente dahil malinaw na security breach ito sa NAIA.
Related video: