MANILA, Philippines — Planong ipatupad ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang pag-require sa mga turista na kumuha ng ‘access bracelets’ kung nais nilang magtungo sa Isla ng Boracay.
Ito ay upang matiyak na mamo-monitor ang lahat ng taong pumapasok sa isla.
Ayon kay DILG Undersecretary Epimaco Densing, mayroon nang ganitong proposal o panukala sa ngayon, ngunit hindi pa naman ito tuluyang ipinatutupad.
“Ang paggamit ng bracelet ay pinag-aaralan pa po ‘yan para ma-monitor ang pumapasok na tao sa isla,” ani Densing, sa panayam sa radyo. “There is a proposal pero wala pa pong implementation.”
Matatandaang anim na buwang isinara sa mga turista ang Boracay, o mula Abril 26, 2018, upang isailalim ito sa rehabilitasyon.
Nakatakda naman itong muling buksan sa publiko sa Oktubre 26, 2018, na mayroong dry run at soft opening na nakatakda mula Oktubre 16 hanggang 25.
Inaasahang lilimitahan naman ng pamahalaan ang bilang ng mga turistang papasok sa isla matapos na lumitaw sa pag-aaral na mayroon lamang itong 55,000 na carrying capacity kada araw, kasama pa rito ang 36,000 residente at mga manggagawa sa isla.
Una nang sinabi ni Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat na lilimitahan ng Department of Tourism (DOT) ang bilang ng tourist arrivals sa Boracay ng hanggang mahigit 6,000 lamang kada araw.