Mga biktima ng fake land titles pinalalantad ng PNP

MANILA, Philippines — Nanawagan kahapon ang PNP-Calabarzon Director P/Chief Supt. Edward Carranza sa iba pang naging biktima ng sindikato ng pekeng titulo ng lupa sa Tagaytay at Batangas City na lumantad para magsampa ng kasong kriminal.
Ayon kay Carranza, maaaring makipag-ugnayan sa Tagaytay City police station ang iba pang mga biktima para madagdagan pa ang mga kaso laban sa mga suspek na nasa likod ng pagbebenta gamit ang pekeng titulo.
Nauna rito ay inaresto ang limang akusado na nahaharap sa reklamong large scale estafa at falsification of public documents na sina Aireen Tan, Rochel Alcantara, Michael Sarabosing, William Pineda at Gerardo Trinidad na dati umanong empleyado ng DENR.
Kasalukuyang dinidinig sa Tagaytay City Regional Trial Court (RTC) ang kaso ng mga akusado.
Sinabi naman ni Chief Supt. Elmer Decena, hepe ng Tagaytay City police, na inireklamo ng Japanese investor na si Yoshihisa Tsujimoto at ng Pinay business partner nito na si Ester Mariano Rosales ang mga suspek matapos nilang malaman na peke pala ang titulo ng lupa nang beripikahin nila ito sa Land Registration Authority (LRA).
Nakapagbayad na ang mga biktima ng P80 milyon. Nang hingin na ang balanseng P70 milyon, nagsumbong na sila sa pulisya at nagkasa ng entrapment operation na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek.
Nakuha sa mga suspek ang dalawang luxury cars at iba’t ibang pekeng titulo ng lupa.
Nakalalaya pa rin umano ang isang alyas Irene na bihasa sa pamemeke ng titulo. Nabatid na ang suspek ay mula sa Muntinlupa City.
- Latest