3 Pinoy, 2 Italian kinasuhan ng NBI ng syndicated, large scale illegal recruitment
MANILA, Philippines — Isinulong na sa Mandaluyong Prosecutor’s Office ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga kasong kriminal laban sa dalawang Italian national at tatlong Pinoy na sinasabing tumanggap ng mga aplikante sa kabila ng kawalan ng lisensiya at kapangyarihan sa recruitment.
Sa 9-pahinang reklamo na may petsang Setyembe 7, 2018 na pirmado ni NBI-National Capital Region director Cesar Bacani, idiniin ng NBI sa kasong paglabag sa syndicated at large-scale illegal recruitment sina Henry James Avecilla, Judith Cabrera, Lucky Philip Cabrera at mga dayuhang sina Sergio Constantini at Maurizio Caselli, pawang incorporator ng True Alliance Shipping Corp.
Nag-ugat ang kaso sa idinulog ni Capt. Leopoldo Arcilla, Sr., presidente at general manager ng Eagle Clarc Shipping Philippines, Inc., na may sabwatan umano ang True Alliance at Oceanus, isang maritime crewing service sa pagpapalsipika ng mga dokumento.
Sabit din sa reklamo ang Mama Shipping SARL at Marine Partners Monaco na kumuha ng serbisyo ng Oceanus bilang ahente sa Pilipinas para sa mga empleyado na inililipat sa Eagle Clarc.
Ang nasabing shipping business sa Pilipinas ay counterpart at nasa ilalim ng pangangasiwa umano ng Grimaldi at Giuseppe Bottiglieri Shipping Company na nakabase sa Italy.
Natuklasan din na pineke ang mga dokumento na pinalabas na nilagdaan ni Caselli dahil wala naman ito sa bansa nang isagawa ang pagnonotaryo.
Bukod pa rito, natukoy din na si Cabrera na incorporator at treasurer ng True Alliance ay crewing manager ng Oceanus, na ipinagbabawal umano sa batas.
- Latest