No pardon kay Gen. Palparan
Tiniyak ng Palasyo
MANILA, Philippines — Tiniyak ng Malacañang na hindi bibigyan ni Pangulong Duterte ng pardon si retired Maj. Gen. Jovito Palparan.
Ito’y matapos mahatulan ng life imprisonment ng Malolos Regional Trial Court si Palparan dahil sa kasong kidnapping at serious illegal detention ng UP students na sina Karen Empeno at Sherlyn Cadapan.
“Wala pong basehan iyan. Ang nagpakulong po kay Palparan ay gobyerno at ang gobyerno rin ang magsisiguro na mabigyan ng katarungan iyong mga biktima,” ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.
Magugunita na hinatulan ng korte sina Palparan, Lt. Col. Felipe Anotado Jr. at S/Sgt. Edgardo Osorio ng reclusion perpetua o hanggang 40 taong pagkakakulong dahil sa pagkawala ng dalawang UP students noong 2006.
Nangangamba ang ina ni Empeno na si Concepcion na baka bigyan ng pardon ni Pangulong Duterte si Palparan sa pamamagitan ni former president at House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo.
“May fear ako ngayon baka sakaling, ayun nga. Guilty siya. Pero nandiyan na naman sa power si Gloria at ito pang ating Presidente, baka gagawa sila ng paraan para makawala sa krimen na nakaatang sa kanya,” wika ni Mrs. Empeno.
Hinimok ng ina ni Empeno si Pangulong Duterte na huwag bigyan ng pardon si Palparan bagkus ay hayaang pagsilbihan nito ang kanyang sentensiya.
- Latest