Pinsala ni Ompong may epekto sa inflation
MANILA, Philippines — Naniniwala si Sen. Sherwin Gatchalian na may epekto sa “food inflation” ang pinsala na idudulot ng Bagyong Ompong lalo pa’t rice producing area ang mga Regions 1, 2 at 3.
Umaasa si Gatchalian na hindi masyadong malaki ang pinsala ng bagyo dahil tiyak na lalong tataas ang presyo ng bigas.
Ayon kay Gatchalian, dapat makahabol ang agrikultura ng bansa sa paglobo ng populasyon kaya hindi nararamdaman ang 6% na economic growth.
Nauna rito, naitala ang pinakamataas na 6.4 porsiyentong inflation noong Agosto kaya inaasahang magpapatupad ng mga anti-inflation measures ang National Economic and Development Authority (NEDA) sa susunod na buwan kung saan posibleng tanggalin ang taripa sa mga “key food items” katulad ng bigas, isda, asukal, karne, at gulay.
Samantala, naniniwala naman si dating solicitor general Florin Hilbay na walang pakialam ang mga Pilipino sa inflation ng mga nakaraang administrasyon, kundi nag-aalala sila sa kabiguan ng pamahalaan na pigilin ang pagtaas ng presyo ng bilihin.
Ginawa ni Hilbay ang reaksiyon matapos sabihin ni Presidential Communications Operations Office Secretary Martin Andanar na ang 6.4% inflation rate noong Agosto ay mababa pa kumpara sa mga numero ng nakaraang administrasyon.
Ayon kay Hilbay, mas maganda kung inaral muna nang husto ng pamahalaan ang epekto ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law bago isinulong ang implementasyon nito.
- Latest