MANILA, Philippines — Umaabot sa 800,000 katao ang target ilikas sa mga lugar na hahagupitin ng super typhoon Ompong sa Northern Luzon na pinangangambahang mag-landfall sa Cagayan sa darating na Sabado.
Kahapon ay personal na nagtungo si Pangulong Duterte sa tanggapan ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) kaugnay ng pre-disaster conference meeting ng mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan na pinangunahan nina Defense Secretary Delfin Lorenzana, NDRRMC Executive Director Ricardo Jalad at iba pang mga opisyal.
Nabatid na nagsimula na ang preemptive evacuation sa Northern Luzon partikular na sa Region 1, II na siyang tatamaan ng bagyo.
Sinabi ni Jalad na tinatayang nasa 4 milyon na mahihirap na pamilya na naninirahan sa landslide at flashflood areas ang maaapektuhan ng super typhoon.
Ang nasabing mga indibidwal ay mula sa mga lalawigan ng Cagayan, Isabela, Apayao, Abra, Mountain Province, Ifugao, Ilocos Sur at Ilocos Norte.
Nagbigay naman ng instruksyon si Pangulong Duterte sa Department of Information and Communication Technology (DICT) na bumili ng apparatus para kung kailangan ang mga importanteng opisyal ng gobyerno ay kaagad ang mga itong makokontak lalo na sa panahon ng kalamidad.
Iniutos rin ng Pangulo ang pagkakaisa at pagpapabilis ng humanitarian disaster response operations sa mga residente na maapektuhan ng bagyo.
Ang Super typhoon Ompong ay inaasahang magdudulot ng malalakas na hangin at pag-ulan kung saan pinangangambahan rin ang 6 metrong diyametro ng daluyong o storm surge.
Related video: