Super typhoon Ompong pumasok na sa PAR

Naghanda na ang mga tauhan ng Police Regional Office 2 sa Cagayan matapos ilagay sa heightened alert status ang buong puwersa ng PNP dahil sa super typhoon na inaasahang hahagupit sa Northern Luzon.

MANILA, Philippines — Isinailalim na sa full alert status ni Philippine National Police (PNP) Chief P/Director General Oscar Albayalde ang buong puwersa ng pulisya matapos pumasok na kahapon sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang super typhoon ‘Ompong’ na may international name na ‘Mangkhut’.

Ayon sa PAGASA, dakong alas-3:00 ng hapon ng pumasok sa PAR si Ompong at lumakas pa kaya itinaas na sa signal number 1 ang Catanduanes.

Dala ng bagyo ang lakas ng hanging aabot sa 205 kilometers per hour at pagbugsong aabot sa 255 kph.

“Effective 6 am tomorrow, Sept. 13, I am placing all Luzon based PNP units on full alert condition to ensure availability of resources and personnels for possible disaster responde operations in areas threatened by the destructive effects of Supertyphoon Ompong,“ pahayag ni Albayalde sa press briefing sa Camp Crame.

“The PNP-SAF, Maritime Group, Highway Patrol Group, Police Community Relations Group, Health Service; and all Regional and Provincial Mobile Forces are likewise placed on Full Alert to ensure their rapid availability for possible disaster response and rescue operations,” anang PNP chief.

Sinabi ng PAGASA, maaaring lagpasan nito ang ulang dinulot ng Ondoy noong 2009, kapag pinalakas nito ang habagat.

Inaasahan ang mala­lakas na ulan at bugso ng hangin sa Northern Luzon at ilang bahagi ng Central at Southern Luzon.

Inaasahan ding tatama ang bagyo sa Ilocos Sur, Ilocos Norte, La Union, Pangasinan, Isabela, Ca­gayan, Batanes, Nueva Vizcaya, at Quirino.

Ang bagyong Ompong ay huling namataan sa 1,305 kilometers east ng Southern Luzon.

Inihayag ni PAGASA senior weather specialist Chris Perez, nasa 900 kilometers ang diameter ng bagyo.

Habang nasa loob ng bansa, sinabi ni Perez na maaari pa itong lumakas at posibleng umabot sa 220 kph ang hangin at 270 kph ang pagbugso.

Preemptive, forced evacuation sisimulan

Ipatutupad na ng Na­tio­nal Disaster Risk Re­duction and Management Council (NDRRMC) ang preemptive at forced evacuation sa libu-libong  residente na maapektuhan sa paghagupit ni Ompong sa Northern Luzon.

Sa press briefing, nagbabala si NDRRMC Executive Director Ricardo Jalad sa malawakang landslide, flashflood at storm surge bukod pa sa malakas na hangin na dulot ng supertyphoon.

Ayon kay Jalad, posibleng umpisahan ang preemptive at forced evacuation sa mga lugar na namemeligrong tamaan ng malakas na bagyo na magdudulot ng malalakas na pag-ulan at bugso ng hangin.

Sinabi naman ni DILG Officer-in-Charge Secretary Eduardo Año, hindi ordinaryong bagyo si Ompong kaya dapat ay nakahanda ang lahat tulad ng pananalasa ni super bagyong Yolanda partikular na sa Eastern Visayas na ang pinaka grabeng naapektuhan ay ang Tac­loban City na kumitil ng buhay ng mahigit 10,000 katao noong Nobyembre 2013.

Samantala pinayuhan ni Albayalde ang rescue teams ng PNP na unahin munang ilikas sa ligtas na lugar ang kanilang mga pamilya upang wala ang mga itong maging alalahanin habang nagsasagawa ng rescue ope­rations sa mga residenteng maaapektuhan ng kalamidad. (With trainee Hermie Rivera)

Related video:

Show comments