MANILA, Philippines — Sinibak na sa puwesto ang hepe ng pulisya at walo nitong tauhan na naka-duty matapos na mapaslang ng hindi pa nakilalang mga armadong lalaki si Ronda, Cebu Mayor Mariano Blanco III nitong Miyerkules ng madaling araw.
Sa report ni Chief Supt. Debold Sinas, Director ng Police Regional Office (PRO) 7, sinibak si Sr. Inspector Jay Soto Palcon at 8 nitong mga tauhan na naka-duty sa Ronda Police Station nang mangyari ang krimen.
Si Mayor Blanco ay pinagbabaril sa loob ng opisina nito matapos na pasukin ang munisipyo kung saan ito natutulog.
“We have to relieve them to determine whether they committed some lapses. They have to explain what happened,” pahayag ni Sinas matapos na hindi agad makapagresponde ang mga pulis gayong ang munisipyo ay katabi lamang ng himpilan ng pulisya.
Ikinatwiran naman ng pito sa mga pulis na umalis sila ng himpilan para isilbi ang warrant of arrest laban sa isang lalaki na kinasuhan ng pagnanakaw ng sasabunging manok noong 2006 kung saan dalawang pulis lamang ang natira sa nasabing himpilan.
Kaugnay nito, pulitika at personal na alitan naman ang sinisilip na anggulo ng binuong Special Investigation Task Group (SITG) sa pagpatay kay Mayor Blanco.
Nabatid pa na nakatanggap ng death threat si Mayor Blanco matapos mapaslang si Ronda Vice Mayor Johna John Ungab noong Pebrero ng taong ito. Si Ungab ay legal counsel ng drug lord ng Eastern Visayas na si Kerwin Espinosa.