DND documents sa amnesty inilabas ni Trillanes

Kabilang sa dokumento ang DND Ad Hoc Amnesty Committee na may petsang Enero 5, 2011 kung saan pang-walo ang pangalan ni Trillanes sa 19 na opisyal na nag-aaplay para mabigyan ng amnestiya.
Geremy Pintolo

MANILA, Philippines — Inilabas kahapon ni Sen. Antonio Trillanes IV ang mga dokumento mula sa Department of National Defense na magpapatunay na nag-aplay siya para sa amnesty at inamin ang kanyang mga nagawang kasalanan sa gobyerno.

Kabilang sa dokumento ang DND Ad Hoc Amnesty Committee na may petsang Enero 5, 2011 kung saan pang-walo ang pangalan ni Trillanes sa 19 na opisyal na nag-aaplay para mabigyan ng amnestiya.

Bukod sa 19 na opis­yal, kasama rin sa lista­han ang 20 pang enlisted personnel na nakasama  nina Trillanes sa 2003 Oakwood Mutiny at Marines Standoff sa Manila Peninsula Hotel Siege.

Ang nasabing dokumento ay may lagda ni Col. Josera Berbigal at naka-address para sa chairman ng DND, Ad Hoc Amnesty Committee na may tanggapan sa Camp Aguinaldo.

Matatandaan na isa sa mga sinasabing dahilan kung bakit binabawi ang amnesty ni Trillanes na ipinagkaloob ng nakaraang administrasyon ay dahil hindi umano ito nag-aplay para sa amnestiya.

Ipinakita ni Trillanes ang isang form para sa pag-a-apply ng amnesty kung saan nakapaloob ang pag-amin ng isang aplikante sa kanyang kasalanan o “guilt”.

Ipinakita rin nito ang sulat ni dating DND Secretary Voltaire Gazmin kay dating Pangulong Benigno Aquino III na may petsang Enero 25, 2010 na nagsasabing ang mga nasa listahan ay kuwalipikadong mapagkalooban ng amnestiya.

Isiniwalat din ni Trillanes na ang mga hawak niyang dokumento ay mula mismo sa DND at ipinagkaloob ng mga hindi pinangalanang source. 

Una nang inamin ng AFP na nag-request ng kopya ng dokumento sa amnestiya ni Trillanes si Solicitor General Jose Ca­lida bago pa man nawala ang nasabing dokumento na hindi naman ng mga ito maipaliwanag kung saan napunta.

Show comments