MANILA, Philippines — Umaabot sa P30 milyon ang nagasta ng Philippine Navy sa paghila sa sumadsad na BRP Gregorio Del Pilar sa Hasa-Hasa Shoal sa West Philippine Sea.
Sinabi ni Philippine Navy Flag Officer in Command Vice Admiral Robert Empedrad, na kabilang sa gastos ang pag-arkila ng Navy ng dalawang tugboat ng pribadong Salvage and Towing Company na humila sa nasabing war ship.
Ayon kay Empedrad, agad sisimulan ang imbestigasyon kapag dumating na ngayong araw ang frigate sa Subic kung saan ito ida-drydock.
Aniya, nakadepende sa resulta ng imbestigasyon kung mayroong liability o pagkukulang ang kapitan o ang commanding officer ng BRP Gregorio Del Pilar na si Captain Santiago Paces.
Agad ding isinailalim sa pagkukumpuni ang barko. Nabatid na nagkaroon ng maliit na butas ang frigate kung saan nasa 10 liters per hour na tubig ang pumapasok sa barko pero kaagad nagsagawa ng shoring para matakpan ang butas.
Posibleng matatagalan pa para maging operational muli ang barko.