MANILA, Philippines — Inatasan ng Court of Appeals (CA) ang Laguna Lake Development Authority (LLDA) na lisanin na ang isang 22-hectare property sa C-6 Road, Taguig City.
Nabatid na sinakop ito ng LLDA mula sa kumpanyang IPM Construction and Development Corp. noong Hunyo.
Batay sa anim na pahinang resolution ng Court of Appeals Special 14th Division, pinalalayas na umano nito si LLDA General Manager Jaime Medina at mga tauhan nito kasabay ng pagpapabalik sa IPM ng pasilidad.
Nakasaad din sa resolusyon na hindi maaaring makialam ang LLDA sa palakad at nais gawin ng IPM sa lupa bilang garbage transfer station at materials recovery facility para sa Taguig City.
Matatandaan na kinasuhan ng IPM ang LLDA sa pangunguna ni Medina matapos sakupin ng ahensya at bawalan ang mga tauhan ng IPM na gamitin ang pribadong pasilidad.
Inaakusahan ng LLDA ang IPM nang umano’y illegal garbage dumping at reclamation sa Laguna de Bay.
Mahigpit naman itong pinabulaanan ng kumpanya at sinabing walang nagaganap na garbage dumping o reclamation sa lugar kaya’t malinaw umanong nilabag ng LLDA ang karapatan nito sa due process.
Malugod ding tinanggap ng IPM ang utos ng CA. Ayon sa kumpanya, pagkakataon na nitong patunayan na walang batayan ang pagpapasara at pagsakop ng LLDA sa kanilang pasilidad dahil ito umano’y isang uri ng land-grabbing o pang-aagaw ng tituladong lupa.
Ayon sa CA, mananatili ang injunction order laban sa LLDA habang hindi natatapos ang pagdinig sa kaso.