Kudarat binomba na naman: Dalawa patay, 13 sugatan

Gutay-gutay ang establisyementong ito na isang internet cafe matapos na sumabog ang isang uri ng improvised explosive device (IED) sa panibagong pambobomba na naganap sa Isulan, sa lalawigan ng Sultan Kudarat, kamakalawa ng gabi.
(Kuha ni John Felix M. Unson)

KIDAPAWAN CITY , Philippines  —   Patay ang isang college student habang binawian naman sa pagamutan ang pinsan nito na kabilang sa 13 nasugatan matapos na masabugan ng improvised explosive device na itinanim sa isang unit ng computer sa Rhenz internet café na nasa Valdez Street, Kalawag 2, Isulan sa lalawigan ng Sultan Kudarat.

Kinilala ang nasawi na si John Mark Luda, 18-anyos, 2nd year college student sa Sultan Kudarat State University at residente ng Malingawon, Bagumbayan, Sultan Kudarat. Ang pinsan nitong si Marilyn Luda ay binawian naman ng buhay habang ginagamot sa isang ospital kahapon ng umaga.

Batay sa ulat ng pulisya, nangyari ang pagsabog alas-7:35 ng gabi kung saan dalawang bomba ang itinanim sa isang computer unit sa nasabing internet café.

 Isa ang sumabog at isa naman ang na-detonate ng mga awtoridad. Dinala ang mga sugatan sa Sultan Kudarat Provincial Hospital, Isulan Medical Specialist at Holy Nazarene Clinic and Hospital.

Dahil dito, sinuspinde ni Isulan Mayor Marites Pallasigue ang klase sa lahat ng public at private school sa lahat ng level sa bayan ng Isulan. Ito’y upang hindi mahati ang puwersa ng mga awtoridad habang iniimbestigahan ang nasabing insidente. Magtatagal umano ang suspensyon hanggang maging normal na ang sitwasyon.

Hiling ngayon ng alkalde na magtulungan ang lahat upang mabantayan ang buong bayan. Napag-alaman na una nang ni-lock down ng Philippine National Police ang bayan matapos ang nasabing pagsabog.

Sa unang pagsabog noong Agosto 28, tatlo ang binawian ng buhay habang 36 iba pa ang nasugatan.

Samantala, tinanggal kahapon ni PNP Chief P/Director General Oscar  Albayalde ang Provincial Police Director ng Sultan Kudarat at isang hepe nito matapos ang panibagong insidente ng pambo­bomba sa bayan ng Isulan ng nasabing lalawigan kamakalawa ng gabi.

 Sa press briefing sa Camp Crame, kinilala ni PNP Spokesman P/Sr. Supt. Benigno Durana Jr.  ang mga nasibak na opisyal na sina Sultan Kudarat Provincial Director P/Sr. Supt. Celestino Daniel Jr. at ang hepe ng Isulan na si P/Sr. Supt. Noel Kinazo.

Nabatid pa na ang ikalawang insidente ng pagpapasabog ay hinihi­nalang kagagawan din ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).

Show comments