MANILA, Philippines — Sa kauna-unahang pagkakataon, humingi ng paumanhin si Pangulong Rodrigo Duterte kay dating United States President Barrack Obama dahil sa pagmumura niya dito noon pero pinapatawad na rin daw niya ito sa ginawang pagbatikos sa war on drugs ng kanyang administration.
“Humihingi ako ng paumanhin sa pagbibitaw ng mga salitang iyon. Natuto tayo sa ating mga leksyon. Kinalimutan na kita,” wika pa ni Pangulong Duterte sa kanyang mensahe kamakalawa ng gabi sa Filipino community sa Israel.
Magugunita na tinawag ni Pangulong Duterte na ‘son of a bitch at go to hell’ ang Obama administration dahil sa pagbatikos nito sa kanyang war or drugs.
Kung umani ng pagbatikos kay Duterte si Obama ay naging kaibigan naman nito ang kanyang kapalit na si Donald Trump na tinawag pa niyang ‘good friend’.
Maging ang pagiging malapit na kaibigan ng Pilipinas at China gayundin sa Russia ay binatikos ng US na nagpagalit lalo kay Pangulong Duterte.