MANILA, Philippines — Inaasahang maaaprubahan na ngayong buwan ang panukalang batas na magkakaloob ng libreng health insurance sa lahat ng Filipino na nakapaloob sa Universal Health Bill.
Ito ang tiniyak kahapon ni Sen. Joseph Victor “JV” Ejercito matapos umapela si Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso na ipasa ang panukala.
“Labis na karangalan ang magbuo ng panukalang ito--kasama ang magigiting nating lingkod-bayan sa gobyerno--sa ngalan ng bawat Pilipino na karapat-dapat makatanggap ng serbisyong pangkalusugan na episyente, sapat, accessible, at abot-kaya, mula sa ating pamahalaan,” pahayag ni Ejercito.
Nilinaw ni Ejercito na awtomatikong makakasama ang lahat ng Filipino sa ilalim ng National Health Insurance Program bilang direct o indirect contributors.
Mas pinalawak din aniya ang saklaw ng service coverage at pinagtibay ang preventive at promotive na aspeto ng mga serbisyong pangkalusugan.
Ayon pa kay Ejercito, dapat ma-garantiyahan ang pantay na access sa de-kalidad at abot-kayang health goods at services ng bawat Pilipino.
“Kaakibat nito ay ang pagtiyak na hindi na magiging pasanin ng ating mga kababayan ang isyung pinansyal kapag pinag-uusapan ang kanilang kalusugan,” dagdag ni Ejercito.
Matatandaan na nagsagawa ang komite ng ilang pagdinig at konsultasyon sa buong bansa kabilang ang Cebu, Davao at Albay.
Base sa data ng Philippine Statistics Authority (PSA), ang “health expenditure” ng bawat Filipino ay tumaas ng 8.7 percent noong 2016.
Lumalabas na bawat Filipino ay gumastos ng nasa P6,345 para sa kanyang kalusugan kumpara sa P5,840 noong 2015.
Bukod pa rito ang malaking gastos ng mga pamilya na nagkaroon ng malaking “medical expenditures” dahil sa pagkakasakit ng malubha ng miyembro ng kanilang pamilya.
Sa kabuuang health expenditures, 54.2 percent ng P342 billion ay pinasan ng mga pamilya samantalang 34.2 percent o P216 bilyon ang binayaran ng gobyerno noong 2016.
Ipinaliwanag ni Ejercito na sa Universal Health Care Bill, makakatipid ang bawat Filipino ng nasa P7,000 o higit pa sa kanilang taunang gastos depende sa sakit o kondisyon.
Inaasahan ding matutugunan ng panukala ang kakulangan sa mga hospital beds na pag-aari ng gobyerno.
Isiniwalat ng Department of Health (DOH) sa pagdinig na kulang ang gobyerno ng nasa 42,000 ospital para mangyari ang goal na isang kama sa bawat 800 populasyon o 1:800 ratio.
Itinuturing na isang landmark bill ang panukala dahil bukod sa libreng pagpapa-ospital ng mga Filipino, inaasahan ding maayos ang mga medical facilities at magkakaroon ng mas mataas na sahod ang mga health workers.