Carto sketch ng Isulan bomber inilabas ng PNP

MANILA, Philippines — Inilabas na kahapon ng Police Regional Office (PRO) 12 ang cartographic sketch ng pangunahing suspek sa pambobomba sa Hamungaya Festival sa Isulan, Sultan Kudarat na ikinasawi ng tatlo katao habang 36 pa ang nasugatan nitong Agosto 28.
Ayon kay PRO 12 Director, Chief Supt. Eliseo Rasco, ang official cartographic sketch ay kanilang inilabas matapos maglabasan ang sari-saring mga cartographic sketch ng bomber na hindi opisyal at iba ang itsura sa hinahanting na salarin.
“The alleged bomber is male and described to be 20 to 25 years old, 5′ 6″ to 5’7” tall, weighs 55 to 60 Kgs and of medium built and white complexion,” pahayag ni Rasco sa media.
Sinabi ni Rasco, patuloy na iniimbestigahan ng Special Investigation Task Group (SITG) ang pinasabog na Improvised Explosive Device (IED) na ginamitan ng cellular phone habang 9 volts battery power ang nagsilbing triggering device ng bomba na nakalagay sa barrel ng water pump.
Lumilitaw din sa imbestigasyon na ang bomba ay inilagay sa ilalim ng motorsiklo na pag-aari ng isang CAFGU na nakaparada sa isang establisimyento malapit sa isang ukay-ukay store sa lugar.
Naniniwala ang mga awtoridad na may mga kasamahan ang nasabing bomber sa planong paghahasik ng terorismo sa lugar na itinaon sa Hamungaya festival.
“The horrific attacks in Isulan served as a strong reminder of the continued threat that terrorism poses, both to our people and to our way of life and the only way to counter terrorism is through our concerted effort,” sabi ni Rasco.
Ang PNP forces ay nasa full alert status sa buong Mindanao Region bunga ng pambobomba sa Isulan.
Kaugnay nito, sinimulan nang isailalim sa stress debriefing ang ilan sa mga survivor na karamihan ay naka-confine sa pagamutan upang matulungan ang mga ito na makarekober sa trauma.
- Latest