Malasakit Center nationwide na - Bong Go
MANILA, Philippines — Tiniyak kahapon ni Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go na tututukan niya ang pagpaparami ng Malasakit Center sa buong bansa para makatulong sa mga mahihirap na pasyente.
Sinabi ni Sec. Go na nakakalungkot na marami ang hindi kayang i-sustain ang kanilang pagpapagamot kaya naisip niyang makapagpatayo ng mga Malasakit Center sa mas marami pang lugar sa bansa.
Muli ring tiniyak ni Go ang pagtulong sa mga nangangailangan hanggang sa makakaya ng gobyerno at ng kanyang tanggapan.
“May programa iyong gobyerno. Ito po ‘yung gusto ko palawakin o palakasin ‘yung Malasakit Center, kasi alam ko napakaraming nangangailangan ng medisina at saka libreng gamot,” wika pa ni Sec. Go.
“Sabi nga ‘nung isa doon hindi na raw niya ma-sustain iyong pagpapagamot. Nakakalungkot, so tutulungan po naming lahat, hanggang sa kaya namin itulong. Let’s say PCSO may limit yung (subsidy), hanggang dulo, yun na iyong Malasakit doon na kami talagang tutulong hanggang sa kaya, kung kayang maging zero bill. After PhilHealth, after DSWD, after PCSO, then sa dulo kung magkano iyong maiwan na bill iyon ang sasagutin,” dagdag pa ng close aide ni Pangulong Duterte.
Kabilang sa mga naitayo nang Malasakit Center sa buong bansa ay nasa Davao, Cebu, Tacloban, Iloilo at sa Philippine General Hospital sa Maynila.
Habang isinasaayos na rin ang pagkakaroon ng Malasakit Center sa Bohol, Pampanga at iba pang lugar sa bansa.
- Latest