Sultan Kudarat binomba: 2 patay, 36 sugatan
MANILA, Philippines — Dalawa katao kabilang ang isang bata ang nasawi habang 36 pa ang sugatan makaraang sumabog ang isang bomba sa gitna ng kasiyahan sa Hamungaya Festival sa bayan ng Isulan, Sultan Kudarat nitong Martes ng gabi.
Agad isinailalim sa full alert status ni PNP Chief P/Director General Oscar Albayalde ang buong rehiyon ng Mindanao bunga ng insidente.
Sa ulat nina Army’s 6th Infantry Division (ID) Commander Brig. Gen. Cirilito Sobejana at Police Regional Office (PRO) 12 Director P/Chief Supt. Eliseo Rasco, kinilala ang mga nasawi na sina Devey Shane Alayon, 7 taong gulang at Leni Ombrog, 52.
Kritikal naman ang dalawa pa na sina Welmark John Lapidez, 25 at Arnold Losanes, 40. Patuloy na ginagamot sa ospital ang 34 pang sugatan.
Bandang alas-8:45 ng gabi nang mangyari ang pagsabog ng bomba sa harapan ng J and H Marketing malapit sa isang Ukay-Ukay Store sa Brgy. Kalawang 3 ng nasabing bayan.
Lumilitaw sa imbestigasyon na may vendor na nagtitinda ng rambutan na nag-aalok ng naturang prutas sa puwestong kinaroroonan ng mga nagpapatrulyang CAFGU at sundalo pero hindi ang mga ito bumili.
Gayunman nang mapansin ng mga ito ang backpack na bitbit ng lalaking nag-aalok ng prutas ay sinita nila kung ano ang laman nito pero sa halip na huminto ay agad itong tumakbo dahilan upang habulin nila ang nasabing vendor pero bago nila ito abutan ay sumabog na ang bomba.
Inihayag ni Sobejana na sa mga nasugatan karamihan dito ay nasabugan ng IED at ilan naman ay nasugatan sa stampede matapos na magkagulo at magtakbuhan ang mga tao ng mangyari ang pagsabog.
Kahapon ay inako ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) na ang kanilang grupo ang nasa likod ng madugong pambobomba sa Hamungaya festival.
Base sa report ng Maryland-based Site Intelligence Group, isang American company natukoy nila ang online activity ng white supremacist and jihadist organizations na ang Islamic State (IS) East Asia Province ang umako ng pambobomba.
Bagaman inaako ng ISIS ang responsable sa pambobomba ay patuloy itong isinasailalim sa masusing pagsisiyasat.
Bunga ng insidente ay kinansela na ang festival na dapat sana ay magtatagal pa ng hanggang Linggo.
Related video:
- Latest