MANILA, Philippines — Lilimitahan na ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang bilang ng mga turistang bibisita sa Boracay Island, sa sandaling muli itong buksan sa publiko sa Oktubre.
Ayon DILG Undersecretary Epimaco Densing, kumuha sila ng mga siyentipiko mula sa UP-Los Baños para magsagawa ng pag-aaral hinggil sa maximum carrying capacity ng isla.
Sinabi ni Densing na ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang inaasahang maghahayag ng resulta ng naturang pag-aaral.
Aniya, batay sa isang pag-aaral noong 2008, ang Boracay ay may carrying capacity na 35,000 lamang, na nalabag at nagresulta sa pagpapasara ng isla noong Abril 26.
Noong LaBoracay, na isang summer party tuwing Labor Day, nga aniya ay mayroong 67,000 turista ang nasa isla, bukod pa ang 32,500 residente roon.
Batay aniya sa feedback na natanggap nila, natukoy na dahil sa dami ng tao sa Boracay at kakulangan ng palikuran, ang mga turista ay pumupunta na lamang sa mababaw na bahagi ng karagatan at doon na naglalabas ng likidong dumi, at pag lumayu-layo ang mga ito, ay mas marumi pa ang kanilang inilalabas.
Matatandaang ipinasara ang isla para isailalim sa rehabilitasyon ang sewerage system doon at alisin ang mga iligal na istruktura, matapos na madiskubre na unti-unti nang dumudumi ang karagatan doon.