MANILA, Philippines — Paiimbestigahan sa Kamara ni Maguindanao Rep. Zajid Mangudadatu ang ginawang pagbibigay ni Quezon City Regional Trial Court (QCRTC) Branch 221 Judge Jocelyn Solis-Reyes ng furlough kay Zaldy Ampatuan para dumalo sa kasal ng anak niya noong Martes.
Sinabi ni Mangudadatu na hindi makatao ang pagbibigay ng korte kay Ampatuan.
Siyam na taon na umano ang nakalilipas subalit hanggang ngayon ay dinadanas pa rin nila ang indiscriminate assault ng mga Ampatuan sa dignidad at alaala ng kanilang mga kaanak na pinatay sa Maguindanao.
Bukod dito pinapakita rin umano ang bias ng korte dahil ang ganitong furlough ay hindi naman natatamasa ng mahihirap na bilanggo.
Binalewala naman ng kongresista ang pagkuhang ninong at ninang sa ilan nilang kaanak at mga matataas na opisyal ng gobyerno bilang principal sponsor sa kasal ng anak ni Ampatuan.
Normal naman umano sa mga Pinoy na isama ang pangalan ng kung sinu-sino bilang ninong at ninang subalit ang mahalaga umano ay hindi sila sumipot sa mismong araw ng kasal.
Bagama’t nirerespeto ni Mangudadatu ang diskresyon ng korte para magbigay ng furlough, umaasa ang kongresista na hindi na ito masusundan pa.
Umaasa rin siya sa pangako ng Malakanyang na magkakaroon ng conviction sa mga akusado sa Maguindanao massacre ngayong taon.