Utol ng hostage-taker umapela kay Digong
MANILA, Philippines — Kasabay ng paggunita sa ika-walong taong anibersaryo ng hostage taking sa Luneta, umapela naman si SPO2 Gregorio Mendoza, kapatid ng hostage taker na si Capt. Rolando Mendoza kay Pangulong Duterte na matulungan siyang maresolba ang kasong administratibo na isinampa laban sa kanya.
Kahapon ay nagtirik ng kandila si Gregorio sa mismong lugar sa Luneta upang gunitain ang malagim na insidente na ikinasawi ng walong Chinese national.
Humihingi rin ng patawad at paumanhin si Gregorio sa mga pamilya ng mga nasawi sa pagsasabing siya man ay biktima rin ng pangyayari.
Si Gregorio ay kinasuhan ng administratibo, extortion, illegal arrest at misconduct sa National Police Commission (Napolcom). Sinibak sa puwesto si Gregorio at apat na taon na umano siyang retirado.
Ayon kay Gregorio, umaapela siya kay Pangulong Duterte na matulungang maresolba ang kasong administratibo dahil pawang mga dismis naman ang kasong kriminal na isinampa sa kanya noon ni Sen. Leila de Lima.
Kasong conspiracy to commit serious illegal detention, serious disobience at illegal possesion of firearms ang hinarap ni Gregorio sa Manila Regional Trial Court sa loob ng pitong taon at naibasura ng korte dahil na rin sa kawalan sapat na ebidensiya.
Aminado si Gregorio na sakaling madismis ang kasong administratibo laban sa kanya, makukuha rin niya ang sapat na benepisyo na nararapat niyang makuha.
- Latest