5 lugar ‘hotbed’ ng droga – PNP

Tinukoy ni PNP Chief P/Director General Oscar Albayalde ang Santiago City sa Isabela; Angeles City sa Pampanga; Olongapo City sa Zambales; Puerto Prin­cesa City sa Palawan at ang Naga City, Camarines Sur.
Boy Santos

MANILA, Philippines — Limang lugar sa bansa ang nangungunang “hotbed” ng iligal na droga na target ng Philippine National Police (PNP).

Tinukoy ni PNP Chief P/Director General Oscar Albayalde ang Santiago City sa Isabela; Angeles City sa Pampanga; Olongapo City sa Zambales; Puerto Prin­cesa City sa Palawan at ang Naga City, Camarines Sur.

Una nang ibinulgar ni Pangulong Duterte na isa ang Naga City na balwarte ni Vice Pres. Leni Robredo sa “pugad” ng iligal na droga.

“Let me share the information based on PNP data that among the major cities of the country, Naga City has consistently ranked No. 5 in terms of Crime Volume in the 1st semester of 2017 and 2018”, ani Albayalde.

Patunay na mataas ang droga sa Naga City matapos malansag ang shabu laboratory sa Camarines Sur at bukod dito ay sa mga nakumpiskang bulto ng mga cocaine na itinapon sa karagatan ng Bicol Region ng drug syndicate. Kabilang pa sa mga tinututukan ay ang Cebu na may mataas na problema sa droga.

Samantala, naniniwala ang kampo ni VP Leni Rob­redo na banat sa kakayahan ng bise presidente ang paratang na “hotbed” ng shabu ang Naga City.

“If she is the target, she is ready, but [Naga] should not be dragged into this because many people have put their stake here, many people have benefitted from the efficient administration of the city,” ani Barry Gutierrez, spokesperson ni Robredo.

Pinasinungalingan din ni Gutierrez ang paratang na si Butch Robredo, kapatid ng namayapang si Jesse Robredo, ay may link sa iligal na droga. Dati na umano ang nasabing balita noong nabubuhay pa si Jesse, da­ting Interior and Local Government chief at asawa ng bise presidente, ngunit ni kapirasong ebidensiya ay wala umanong naiprisinta.

Show comments