Sa pag-angkat ng galunggong
MANILA, Philippines — Iginiit ni Sen. Bam Aquino na dapat munang tulungan ng pamahalaan ang mga mangingisda na madagdagan ang kanilang huli at mabawasan ang gastusin sa halip na mag-angkat lang ng “galunggong” para mapababa ang presyo ng isda sa merkado.
“Sana tulungan din ng pamahalaan ang mga mangingisda na madagdagan ang kanilang huli at babaan ang kanilang gastos sa petrolyo,” wika ni Sen. Bam, na tinutukoy ang plano ng Department of Agriculture na mag-angkat ng galunggong.
Ayon sa senador, nabibigatan na ang mga mangingisda sa taas ng kanilang gastusin, kung saan kalahati ay napupunta lang sa gasoline, batay sa pag-aaral ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
“Nalulunod ang mga kababayan nating mangingisda sa taas ng operational cost kaya bumababa ang kita nila,” wika ni Sen. Bam, na isinusulong na mabigyan din ng tulong ang mga mangingisda, tulad ng Pantawid Pasada Program para sa jeepney drivers, upang tulungan sila sa gastusin sa gasoline at iba pang gamit.
Ipinunto ng senador na dapat maghanap din ng ibang paraan ang pamahalaan para mapababa ang presyo ng bilihin at serbisyo nang hindi tinatamaan ang ibang sektor.
Sa halip na importasyon at pagbaba ng taripa, sinabi ni Bam na dapat suportahan ng pamahalaan ang kanyang Senate Bill No. 1798 o ang Bawas Presyo Bill, na layong suspindihin ang excise tax sa langis sa ilalim ng TRAIN Law kapag ang lumampas ang average inflation rate sa taunang inflation target sa loob ng tatlong buwan.
Sinabi ni Bam na mahalaga ang agarang pagpasa ng panukala dahil may nakatakda na namang pagtaas sa excise tax sa petrolyo sa Enero 2019.