Walang disiplina sa loading, unloading
MANILA, Philippines — Iminungkahi ni Transportation Committee Vice Chairman Edgar Mary Sarmiento ang magkaroon na lamang ng ‘enhanced bus segregation scheme’ sa halip na ‘single o driver only ban’ sa EDSA.
Ayon kay Sarmiento, ang mga bus talaga ang tunay na dahilan ng pagkakaroon ng matinding traffic sa EDSA dahil sa kawalan ng maayos na babaan at sakayan ng mga pasahero.
Ito ay dahil karaniwang inookupa ng mga bus ang apat na lanes sa EDSA at dahil sa kawalan ng disiplina sa loading at unloading, madalas na naiipon ang mga bus para magsakay at magbaba ng mga pasahero at lumilikha ito ng ‘chokepoints’ o pagbabara sa daan.
Paliwanag ng kongresista, kahit na ipinapatupad ngayon ang ‘single o driver only ban’ sa EDSA hindi umano ito magiging epektibo dahil malilipat lamang sa mga maliliit na daan ang traffic.
Dahil dito kaya hinikayat ni Sarmiento ang MMDA na mas magiging epektibo ang pagbabawas sa traffic sa EDSA kung magkakaroon ng well-synchronized dispatch system sa mga bus at istriktong implementasyon ng ‘loading at unloading only’ zones sa EDSA.
Iminungkahi pa niya na maaaring bumuo ng samahan ang mga bus companies para mamahala sa maayos na dispatch schedules at operasyon ng mga bus.
Dapat din umanong seryosohin ng MMDA ang pagbibigay ng solusyon sa traffic dahil aabot sa P3 billion kada araw ang nawawalang kita ng Pilipinas dahil dito.