Bulacan isinailalim sa state of calamity
MANILA, Philippines — Tuluyan nang isailalim sa state of calamity ang probinsya ng Bulacan.
Bunsod ito ng matinding epekto ng habagat na nagresulta sa pagkakalubog sa baha ng malaking parte ng Bulacan.
Nabatid na ang nasabing probinsya ay itinuturing na tila “catch basin” ng mga tubig na nanggagaling sa mga karatig na lugar sa Central Luzon.
Tatlong dam din ang nasa Bulacan na kinabibilangan ng Bustos, Ipo at Angat.
Umaabot sa 11 miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ang dumalo sa sesyon at sumang-ayon sa deklarasyon ng state of calamity.
Pangunahing dahilan ng mga opisyal na magamit ang calamity fund ng probinsya sa pagtulong sa mga kababayan nilang labis na nasalanta ng baha at pagguho ng lupa.
Maging ang kabuhayan ng ilang magsasaka ay naapektuhan din ng ilang araw na pagbuhos ng ulan.
Una nang isinailalim sa state of calamity ang buong lalawigan ng Cavite, mga lungsod ng Marikina, Olongapo at Balanga sa Bataan; Pangasinan, Nueva Ecija at Tarlac bunga ng matitinding pagbaha.
- Latest