Habagat kasing lupit ni Ondoy
MANILA, Philippines — Maihahalintulad sa bagyong Ondoy noong 2009 ang naging dami ng ulan na ibinuhos ng southwest monsoon o Habagat na nagpalubog sa Metro Manila at malaking bahagi ng Luzon na nagpalikas din sa libu-libong residente, kahapon.
Base sa monitoring ng Manila Observatory, naitala ang pinakamataas na ibinuhos na ulan sa nakalipas na 24 oras sa Holy Spirit, Quezon City na 236 millimeters.
Sumunod dito ang San Mateo, Rizal na may 220 mm at Nangka, Marikina na may 215 mm.
Kakaunting ulan naman ang bumuhos sa Sucat, Parañaque na 77 mm.
Matatandaan na noong 2009, 455 mm ng ulan ang ibinuhos ng bagyong Ondoy na nagpalubog sa Metro Manila at mga kalapit na lugar sa loob lang ng 24 oras.
Sa data mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), 961 areas ang nakaranas ng mga pagbaha sa Regions I, III, Calabarzon (IV-A), Mimaropa (IV-B), VI, X, CAR, at sa National Capital Region.
Bunsod nito, nagpakawala ng tubig ang ilang dam sa Luzon para maiwasan ang overspills sa gitna ng malakas na pag-ulan.
Sinabi ni Richard Orendain, hydrologist ng PAGASA, binuksan na ang isang gate ng Bustos Dam sa Bulacan, anim na gates sa Binga Dam, walong gates sa Ambuklao dam sa Benguet at sapat na gates ng San Roque Dam sa Agno River, Pangasinan.
Sa kabila nito, patuloy na pinaalalahanan ang mga residente doon na maaaring daanan ng tubig na mag-monitor sa lakas ng ulan at manatiling alerto.
Samantala, para patuloy na ma-monitor ang habagat, nagdeklara na ng red alert ang NDRRMC.
Sinabi ni Ric Jalad, executive director ng NDRRMC, lahat ng miyembro ng NDRRMC ay dapat 24/7 naka-duty bilang rotational basis para magbantay.
Lahat din ng situational reports ay ia-upload sa social media at sa mga concerned websites ng NDRRMC.
Matatandaan na noong Sabado ay nagkaroon ng Torrential rains na nagdulot ng pagbaha sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila at mga katabing lalawigan.
Umabot naman sa 11,000 residente ng Marikina ang sumailalim sa forced evacuation dahil sa baha matapos na umakyat sa 20.5 meter ng water level sa Marikina river.
Bagamat bumaba naman sa 17 meters kahapon ng umaga ang lebel ng tubig sa Marikina ay baha pa rin ang kahabaan ng Marcos highway.
Habang isinusulat ito, nananatili namang lubog sa baha ang ilang lugar sa Metro Manila.
Ayon naman sa PAGASA, magpapatuloy ang Habagat sa Miyerkules. (Dagdag ulat nina Rudy Andal at Mer Layson)
- Latest