MANILA, Philippines — Tinanggihan ng Sandiganbayan ang kahilingan ni Davao del Norte Rep.Antonio Floirendo na ibasura ang kanyang kasong katiwalian kaugnay ng umano’y iregularidad sa Tadeco-Bucor deal.
Dahil sa ibinasura ng korte ang motion to quash ni Floirendo kaya tuloy ang paglilitis sa kongresista.
Base sa anim na pahinang resolusyon ng 6th division, sinabi nito na walang merito ang mga argumento ng kongresista.
Malinaw umano sa case information na inihain ng Ombudsman ang kaso laban kay Floirendo at nakatala rito ang mahahalagang elemento ng inaakusahang asunto sa mambabatas.
Ang ibang argumento naman umano ni Floirendo ay depensa na niya na mas mabuting talakayin na sa mismong paglilitis.
Ang kasong katiwalian ni Floirendo na iniakyat sa Sandigan ng Ombudsman ay nag-ugat sa reklamong inihain ng dati niyang kaibigan na si dating Speaker Pantaleon Alvarez.
Kaugnay ito sa joint venture agreement ng kumpanya ng kongresista na Tadeco at ng Bureau of Corrections para sa pag-upa ng lupa ng Davao Penal Colony na ginawang Banana plantation ng Tadeco.