MANILA, Philippines — Nais ni Sen. Richard Gordon na dagdagan pa ng isang sinag ng araw ang watawat ng Pilipinas bilang simbolo sa katapangan ng mga Muslim na lumaban noong panahon ng mga Kastila.
Sa Senate Bill 102 ni Gordon, sinabi nito na panahon na para kilalanin naman ang naging kabayanihan at katapangan ng mga Muslim laban sa mga mananakop.
Sa kasalukuyan ay walo lamang ang sinag ng araw sa watawat ng Pilipinas at magiging siyam ito kung papasa ang panukala ni Gordon.
“With their bravery, our Muslim heroes left an imprint on national history that, at the very least, must be given due recognition in the most heraldic item of national importance--the Philippine flag,” pahayag ni Gordon.
Ipinunto pa ni Gordon na kinakatawan ng watawat ang kasaysayan ng bansa at hindi maikakaila na nagkaroon dito ng papel ang mga Muslim.
Pero mistula aniyang nakalimutan ang mga Muslim samantalang nilabanan nila ang colonial power ng mga Kastila.
Naniniwala rin si Gordon na napapanahon ang kanyang panukala matapos maipasa kamakailan ang Bangsamoro Organic Law.