MANILA, Philippines — Nakabalik na sa Pilipinas nitong nagdaang Biyernes (Agosto 3) si Jeane Catherine Napoles, bunsong anak na babae ng detenidong negosyanteng si Janet Lim-Napoles, ayon sa abogado ng pamilya na si Ian Encarnacion.
“Dumating si Jeane sa Ninoy Aquino International Airport ganap na alas-3:35 ng madaling-araw ng Biyernes. Personal ko siyang sinundo dahil sa pag-aalala ng pamilya kaugnay ng kanyang kaso sa U.S.,” sabi ni Encarnacion sa isang panayam sa telepono.
Noon ding Biyernes, sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra sa media na lumisan sa Pilipinas si Jeane noong Hulyo 27 batay sa record ng Bureau of Immigration.
Nauna rito, ipinahayag ng Department of Justice ng United States ang ginawang indictment ng isang federal grand jury kay Jeane dahil sa money laundering, domestic money laundering at international money laundering kaugnay ng kayamanang nakamal ng kanyang ina mula sa anomaly sa Priority Development Assistance ng ilang mga mambabatas sa Pilipinas.
Kabilang din sa kinasuhan ang matandang Napoles, dalawa pa niyang anak na sina Jo Christine at James Christopher at kapatid na si Reynaldo Lim at kabiyak nitong si Ana Marie.
Kinumpirma ni Encarnacion na nagtungo si Jeane sa Indonesia noong Hulyo 27 pero ito ay kaugnay ng negosyo nito at walang kinalaman sa indictment. Nakatakda anya talagang bumalik ang kanyang kliyente sa Pilipinas noong Biyernes at hindi dahil sa pangambang maaresto siya sa Amerika.