‘Goodbye politics’ sa Umali bros. ng N. Ecija
MANILA, Philippines — Tinuldukan na ng Office of the Ombudsman ang political career ni ex-Nueva Ecija governor Aurelio “Oyie” Matias Umali dahil sa illegal na paggamit ng kanyang multi-milyong pork barrel o Priority Development Assistance Fund (PDAF).
Gayundin sa nasibak na bise alkalde ng Cabanatuan City na si Emmanuel Anthony Umali nang hatulan ng ‘perpetual disqualification’ sa paghawak ng anumang posisyon sa gobyero dahil sa umano’y anomalya sa illegal repacking ng relief goods ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ginamit sa pangangampanya noong 2016.
Ang kaso ni ex-Gov. Umali ay nag-ugat sa kasong isinampa sa Ombudsman noon pang 2008. Nakipagsabwatan umano si Umali noong 2005 sa mga bogus na foundation at organisasyon ni Janet Lim Napoles para magpalabas ng P15 milyong pondo sa kanyang pork barrel o Priority Development Assistance Fund (PDAF) noong siya ay congressman ng 3rd District ng Nueva Ecija.
Sa isang memorandum of agreement na ipinasa sa Department of Agriculture (DA), ginamit daw ni Umali ang Masaganang Ani Para sa Magsasaka Foundation Inc. (MAMFI) bilang partner para sa pamumudmod ng P12 milyong liquid fertilizer, habang benepisyaryo naman sa pagbili ng water pump na nagkakahalaga ng mahigit P3 milyon ang grupong Samahan ng mga Manininda ng Prutas sa Gabi, Inc. (SMPGI).
Bumili si Umali at ang MAMFI ng 7,920 liquid fertilizer na P1,500 kada bote o P12 M.
Pero ang totoong presyo sa merkado ay P10 hanggang P150 kada bote.
Lalo pang ikinadismaya ng Ombudsman na dapat sana libreng ipinamudmod sa mga magsasaka ang pataba, natuklasang ibinenta pa ito sa mga magsasaka ng Gabaldon at Gen. Natividad sa halagang P50 kada bote.
Huli na rin ng malaman na ang liquid fertilizer ay hindi rin pwedeng gamitin ng mga magsasaka sa palayan dahil natuklasang isa itong pataba sa palaisdaan.
Ibinasura ng Ombudsman noong July 26, 2018 ang motion for reconsideration ni Umali sa kasong malversation of public funds at violation ng RA 309 dahil hindi umano nakapaglabas ang dating gobernador ng panibagong ebidensya.
“Respondents Aurelio M. Umali and Renato P. Manantan are hereby adjudged guilty of Grave Misconduct, Gross Negligence of Duty and Conduct of Pejudicial to the Best Interest of the Service for which they are meted the penalty of Dismissal from the Service with Forfeiture of all their Retirement Benefits and perpetual disqualification to re-enter government service,” saad sa desisyon ng Ombudsman.
- Latest