Suporta kay Bello bumuhos
MANILA, Philippines — “Lumusob” ang mahigit 1,000 katao mula sa mga organisadong grupo ng overseas Filipino workers sa bansa at nagsagawa ng mapayapang pagkilos kahapon sa harapan ng tanggapan ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa Intramuros, Maynila, upang ipahayag ang kanilang todong-suporta sa pagkatao at mga programa ni Sec. Silvestre Bello III.
Ayon sa mga dumalo na nanggaling pa mula sa Timog Katagalugan (Calabarzon), Cagayan Valley, Nueva Ecija, Cebu, Maguindanao at Davao, ito’y upang personal na maiparating ang kanilang pagsuporta sa kalihim.
Sa isang ‘manifesto’ na kanila ring nilagdaan at ipinamahagi kahapon sa harapan ng DOLE, idiniin ng mga ralista na “malaki ang naitulong” ng kalihim partikular na sa mga nasa panganib na OFW habang nagtatrabaho sa ibayong dagat.
“(Bello) is driven with traits of integrity, honesty and transparency, contrary to the allegations of his detractors.
“He has been focused on his policy agenda of ensuring inclusive growth for us and our families.
“He has been of great help to President Rodrigo Duterte in attaining his vision for the Filipino workers,” bahagi ng kanilang pahayag.
Noong Lunes, aabot sa 160 may-ari at mga lider sa ‘labor recruitment sector’ ang nagtipon sa Maynila at lumagda rin sa bukod na ‘manifesto’ upang ipahayag ang kanilang todong-suporta kay Bello, na sinasabing ‘target’ ng isang “organisadong kampanya” sa media sa nakaraang mga linggo.
Anang mga impormante sa DOLE, layunin ng nasabing ‘demolition job’ na “impluwensiyahan” si Pang. Duterte na sibakin na siya sa puwesto.
Kasabay naman ng kanilang pagpapahayag ng paniniwala sa integridad at pagkatao ng kalihim, nanawagan din ang mga ‘recruitment agencies’ kay Duterte na huwag patulan ang mga bintang laban sa kanya.