Hamon ni Trillanes
MANILA, Philippines — Matapos sumailalim sa drug test kahapon, hinamon ni Senator Antonio Trillanes IV si Pangulong Rodrigo Duterte na sumailalim din sa drug test.
Ayon kay Trillanes, dapat ding magkaroon ng mandatory drug testing sa Office of the President at dapat umanong unahin ang Pangulo.
Sinabi ni Trillanes na mahalagang malaman ng taumbabayan na walang impluwensiya ng droga si Duterte na nangunguna sa ‘war on drugs.’
“Ang sa akin dito, ang panawagan ko dapat ang Office of the President, ang una dapat si Duterte mismo para malaman ng taumbayan na yon mismong namumuno sa war on drugs ay hindi impluwensiyado ng droga.”
Dapat din umanong magkusa ring magpa-drug test ang First Family lalo pa’t marami na ang napatay sa kampanya laban sa ilegal na droga at dapat patunayan ng Pangulo na wala itong bahid ng droga.