Solon, ‘sabit’ sa OFW ID
MANILA, Philippines — Isang mambabatas ang itinuturo umanong “dahilan” kaya pansamantalang itinigil ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pagbibigay ng “OFW card” para sa mga overseas Filipino workers.
Ayon sa mga impormante sa departamento, ang umano’y walang tigil na “pakikialam” ni ACTS OFW partylist Rep. Aniceto ‘John’ Bertiz at pagbatikos sa implementasyon ng nasabing proyekto ang nagtulak kamakailan kay Labor Secretary Silvestre Bello III na pansamantalang itigil ang pabibigay ng nasabing mga ID card sa mga OFW.
Layunin ng proyekto na maging mas mabilis ang transaksyon ng mga OFW sa mga ahensiya ng gobyerno katulad ng SSS, PhilHealth, DOLE, OFW Bank at marami pang iba, bukod sa paggamit nito bilang “OEC” (overseas employment certificate) at maging pambayad sa MRT/LRT.
Ang nasabing ID na rin ang magsisilbing ‘data bank’ ng mga impormasyon hinggil sa trabaho at mga personal na bagay ng isang OFW.
Pinaboran ni Pang. Duterte ang proyekto at pormal na inilunsad noong Disyembre 2017 ng DOLE sa limitadong bilang ng OFWs, habang inaayos pa ang implementasyon nito.
Ayon naman sa mga impormante, “kinontra” ni Bertiz at binatikos pa ang proyekto matapos mabigong “makopo” ang kontrata para rito, dahilan upang magpasya umano si Bello na pansamantalang itigil ang pagpapatupad nito.
Anila, hindi rin pinaboran ni Bello ang panukala ng mambabatas na “bayaran” ang nasabing ID at ang pera ay manggagaling naman sa ‘recruitment agency.’
Para sa kalihim, libre ang nasabing ID na dapat gastusan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) dahil ang pondo nito ay galing sa kontribusyon ng mga OFW.
“Alam kasi ni Sec. Bello na ‘ipapasa’ lang din ng mga recruiter sa OFW ang bayad sa ID kaya hindi sila magkasundo ni Rep. Bertiz,” ayon pa sa mga sources.
Si Bertiz ay kilalang recruiter at may-ari ng ‘Key’s Placement Inc.’ at, ‘Global Asia Alliance Consultants,’ bago nahalal sa Kongreso bilang kinatawan ng interes ng mga OFW.
Ayon naman sa mambabatas, ‘nag-divest’ na siya sa mga kumpanyang ito nang mahalal sa Kongreso.
- Latest