Solon, misis inginuso sa P6.8M DOLE ‘bribery’

Sa sinumpaang salaysay ni Azizzah Salim, may-ari ng Azizzah International Manpower Services, ang asawa umano ng mambabatas ang kanyang “nilapitan” upang hingan ng tulong matapos kanselahin ng Philippine Overseas Employment Agency (POEA) ang lisensiya ng kanyang recruitment agency.
Boy Santos

MANILA, Philippines — “Lumutang” ang pa­ngalan ni OFW Partylist Rep. Aniceto ‘John’ Bertiz at misis nito sa P6.8 mil­yong ‘bribery scandal’ sa Department of Labor and Employment (DOLE) kung saan napilitang magbitiw kamakailan si Undersecretary Dominador Say.

Sa sinumpaang salaysay ni Azizzah Salim, may-ari ng Azizzah International Manpower Services, ang asawa umano ng mambabatas ang kanyang “nilapitan” upang hingan ng tulong matapos kanselahin ng Philippine Overseas Employment Agency (POEA) ang lisensiya ng kanyang recruitment agency.

Bilang asawa ng isang mambabatas na representante ng mga OFW sa Kongreso ay alam umano niyang makatutulong ito sa kanya.

Sinabi umano sa kanya na may “konek” nga ito sa DOLE sa katauhan mismo ni Say na siya rin umanong may hurisdiksyon sa mga nakanselang lisensiya ng mga ‘recruitment agencies.’

Sa pamamagitan umano ng mga Bertiz, nakilala at nakausap niya si Vanessa ‘Ness’ Josue, na aniya’y ‘runner’ ni Say. Nagkasundo umano sila sa halagang P5 milyon at ‘retainer’ na P50,000 kada buwan para sa ‘law firm’ ni Say.

Sa kabila ng kasunduan, hindi rin umano ibinalik ng POEA ang kanyang lisensiya.

Noong ?Abril 16, nakaharap ni Azizzah sa Malakanyang si Pangulong Duterte at idinetalye nito ang mga pangyayari na nagtapos sa kanya umanong pagbibigay ng kabuuang P6.8 milyon bilang “suhol” kay Say.

Inindorso naman ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) noong Hulyo 20 sa Ombudsman ang eskandalo para sa isang preliminary investigation batay sa sinumpaang testimonya ni Azizzah.

Bago ito, si Bertiz din ang itinuturo ng ilang ‘sources’ sa DOLE na gumagawa ng mga paraan upang siraan si Labor Secretary Silvestre Bello III sa publiko at kay Pang. Duterte.

Tinanggihan raw ng kalihim ang umano’y “hirit” ng mambabatas na sa kanya ibigay ang kontrata para sa ‘identification card (ID) project’ ng DOLE para sa mga OFW, dahilan upang magalit umano ito sa kanya.

Show comments