23,000 nag-rally sa SONA

Sa crowd estimate ng pulisya, ang mga anti-Duterte ay umabot sa 15,000 habang ang pro-Duterte ay nasa 8,000.
Michael Varcas

Mga pro at anti-Duterte

MANILA, Philippines — Tinatayang nasa 23,000 katao na pro at anti Duterte ang nagdaos ng protesta malapit sa Batasang Pambansa sa Quezon City bunsod ng ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte kahapon.

Sa crowd estimate ng pulisya, ang mga anti-Duterte ay umabot sa 15,000 habang ang pro-Duterte ay nasa 8,000.

Bitbit  ng mga anti-Duterte na raliyista ang kanilang mga banner at streamer na kanilang ginamit sa programa, sa pagpapahayag ng pagkadismaya nila sa anila’y pagkabigo ng Pa­ngulo na tuparin ang kanyang mga pangako noong panahon ng kampanya na tutuldukan ang labor contractualization at iaangat ang kabuhayan ng mga mahihirap.

 Isang effigy rin ng pangulo ang inihanda nila, na tinawag nilang “Dutertemonyo,” na sinunog nila bilang sentro ng kanilang kilos protesta.

 May mga pro-Duterte group din naman na nagdaos ng rally upang magpakita naman ng suporta sa pangulo.

 Libu-libong pulis din naman ang ipinakalat ng Philippine National Police (PNP) sa paligid ng Batasang Pambansa kaya naging maayos at mapayapa ang SONA.

Ayon kay “Quezon City Police District (QCPD) Director, P/Chief Supt. Joselito Esquivel Jr.,  maximum tolerance ang kanilang ipinatupad sa mga  raliyista.

 Ani Esquivel, bilang pagrespeto sa karapatan ng bawat isa para sa malayang pamamahayag at pagtitipon, ay hina­yaan nila ang mga raliyista na magsagawa ng kanilang kilos-protesta o programa, mapa-pro o anti administration ang mga ito.

Show comments