MANILA, Philippines — Balik sesyon na ngayon ang Kongreso para sa 3rd Regular Session kung saan inaasahan ang pagtalakay sa mga mahahalagang panukalang batas.
Kabilang sa pangunahing agenda ang pagratipika sa report ng bicameral conference committee tungkol sa Bangsamoro Organic Law o “Organic Law for the Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao” na inaprubahan ng komite noong Hulyo 18.
Inaasahan ding lalagdaan ni Pangulong Duterte ang BOL sa Lunes kung kailan gagawin ang kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA).
Nauna rito, sinabi ni Senate President Tito Sotto na inatasan niya ang lahat ng senador na magsumite ng tig-tatlong panukalang batas na para sa kanila ay mahalagang maipasa.
Ikukumpara ang nasabing mga priority bills sa priority bills ng House of Representatives at ng Executive branch.
Kabilang naman sa mga prayoridad ni Sotto ang Special Protection of Children in Situations of Armed Conflict Act; Prevention of Terrorism Act; Medical Scholarship Act; Presidential Anti-Drug Authority Act, at Medical Scholarship Act of 2016.
Inaasahan ding tatalakayin ng mga senador ang draft ng federal constitution na binuo ng Consultative Committee upang makuha ang pulso ng mga senador sa isinusulong na pag-amiyenda sa Konstitusyon.
Pagkatapos ng opening ceremonies sa Senate plenary hall sa Monday morning magtutungo ang mga senador sa Batasang Pambansa Complex para sa joint session ng Kongreso at sa SONA ng Pangulo.