MANILA, Philippines — Ganap nang bagyo ang isang low pressure area na namataan sa Northern Cagayan na pinangalanang Inday.
Alas-11 ng umaga kahapon, si Inday ay namataan ng PAGASA sa layong 660 kilometro silangan timog silangan ng Basco, Batanes taglay ang lakas ng hangin na 55 kilometers per hour at pagbugso na 65 kph.
Si Inday ay patuloy na kumikilos pa-silangan sa bilis na 15 kph.
Pinalalakas ng habagat ang bagyong Inday kaya maulan sa buong Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Zambales, Bataan, Pampanga at Bulacan.
Kalat-kalat na pag-ulan naman ang mararanasan sa buong Metro Manila, Cagayan Valley, Cavite, Batangas, Laguna at nalalabing bahagi ng Central Luzon hanggang Biyernes.
Inaasahang lalabas ng bansa si Inday sa darating na araw ng Linggo.