Metro Manila, karatig na mga lalawigan lumubog sa baha
MANILA, Philippines — Lumubog sa baha ang malaking bahagi ng Metro Manila at mga karatig na lalawigan sanhi ng malalakas na pag-ulan na dulot ng southwest monsoon o habagat habang nasuspinde rin ang klase sa mga eskuwelahan at maging ang pasok sa ilang tanggapan ng gobyerno.
Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Ricardo Jalad, bunga ng malawakang mga pagbaha ay maraming mga motorista at commuters lalo na sa Metro Manila ang naapektuhan habang ang iba naman ay na-stranded o nahirapang makasakay.
Samantalang, nagbunsod din ito para makansela ang klase at masuspinde ang pasok sa ilang tanggapan ng gobyerno maliban lamang sa disaster response units.
Ang weather bureau ay nagbabala na bagaman nakalabas na ng bansa si Tropical Depression Henry ay magpapatuloy ang malalakas na pag-ulan dulot ng habagat hanggang Biyernes dahil isa pang Low Pressure Area (LPA) ang nagbabadyang papasok sa bansa.
Kasabay nito, pinaalalalahanan ni Jalad ang mga residente na umiwas sa mga landslides at flood prone areas at inalerto rin ang mga lokal na opisyal na magpatupad ng forced evacuation kung kinakailangan.
Ang southwest monsoon rains ay nagdulot ng mga pagbaha sa Metro Manila kabilang ang lunsod ng Maynila, Malabon, Caloocan, Marikina, Navotas, Quezon, Mandaluyong at iba pa.
Malaking bahagi rin ng Pampanga ang binaha, 26 barangay sa Brgy. Sto Niño sa Hagonoy, Bulacan maging sa iba pang bahagi ng Luzon at sa Western Visayas ay iniulat din ang mga pagragasa ng baha.
Nagkaroon din ng mga pagbaha sa mga pangunahing highway sa San Mateo, Cainta, Antipolo City sa lalawigan ng Rizal.
Iniulat din ng NDRRMC na marami ring mga pasahero ang stranded sa mga pantalan ng Luzon habang suspendido rin ang klase sa Central Luzon, Region IV A at Region IV B.
Nasa pitong Barangay naman sa Sta Cruz at Sablayan, Occidental Mindoro habang nasa apat na bahay naman ang nawasak sanhi ng malalakas na hangin at pag-ulan sa Purok Balinghoy, Brgy. Busay, Bago City; Negros Occidental.
Minobilisa na kahapon ng Philippine National Police (PNP) ang Disaster Response Units (DRUs) nito para tumulong sa mga lokal na PNP units bunga ng malawakang mga pagbaha dulot ng southwest monsoon o habagat sa Metro Manila at mga karatig lalawigan.
Ayon kay Bong Nebrija, supervising operations officer ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), ang mga apektadong lugar ay ang Maynila, Malabon, Pasay, Mandaluyong, Quezon at Makati City. Ang nasabing pagbaha ay nagdulot ng mabigat na daloy ng trapiko sa ilang pangunahing lansangan lalo na sa rush hours.
Sinuspinde rin ng MMDA kahapon ang number coding para sa mga city buses at pribadong motorista.
Bukod sa sinuspinde ang mga pasok sa iskwela, sinuspinde rin ang pasok sa mga pampubliko at pribadong tanggapan.
Sanhi aniya nang pagtaas ng baha ay dahil sa mga nakabarang basura tulad ng mga plastic sa daluyan ng tubig at mga ilog.
“Araw-araw na ang dredging natin pero ang problema talaga ay ang basura. Ngayon, yung mga lusutan ng tubig sa ating mga kalsada at mga barado na,” dagdag pa ni Nebrija.
- Latest