MANILA, Philippines — Pinasisibak ni Kilusang Pagbabago Secretary General Monalie “Alie” Dizon si Labor Secretary Silvestre Bello III dahil umano sa katiwalian sa DOLE.
Sa press conference, sinabi ni Dizon na ginagamit umano ni Bello ang sanggol upang makakuha pa ng pera mula sa recruitment agency na siyang nagpakilala at tumulong kay alyas Mercy na nakauwi ng Pilipinas.
Naiwan ang bata sa Alkobar, Saudi Arabia dahil rin sa kakulangan sa travel documents at may kulang pa umanong P100,000 sa ospital.
Ito rin ang idinudulog ni Mercy kay Bello lalo pa’t end of contract na rin ang OFW na kumukupkop sa sanggol kaya wala nang mag-aalaga sa bata.
Lumilitaw sa mga dokumento na hawak ni Dizon na patuloy na hinihingan umano ni Bello ang recruitment agency kapalit ng pagpapauwi sa bata. Aniya, humingi umano si Bello ng P1.5 milyon sa recruitment agency.
Subalit sa halip na tulungan sinabi ni Dizon na pina-‘banned’ pa sila ni Bello sa DOLE.
Ito naman ang naging dahilan kaya’t nagsampa na sila ng reklamo sa Presidential Anti-Corruption Commission laban kay Bello sa paggamit umano ng kapangyarihan nito at sa pagwawalang bahala sa kanilang hinaing.
Itinanggi naman ni Bello ang akusasyon at hinamon ang grupo na maglabas ng ebidensiya.