MANILA, Philippines — Nagpahatid ng pagbati ang liderato ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) para sa pagkapanalo ni Pambansang Kamao Sen. Manny Pacquio laban kay Lucas Matthysse.
Sinabi ni PNP Chief Director General Oscar Albayalde na ang hanay ng Pambansang Pulisya ay kasabay ng buong Sambayanang Pilipino sa pagbubunyi dahil sa pagkapanalo ng ating Pambansang Kamao.
Hiling din ni Albayalde na ang pagkakapanalo ng Senador ay magsisilbing halimbawa at inspirasyon ng bawat Pilipino na kayang pabagsakin ang problema sa kriminalidad at iligal na droga kung tayo ay magtutulung-tulong at magkakaisa sa labang ito.
Nagpaabot din naman ng pagbati si AFP spokesman Col. Edgard Arevalo kay Pacman at sinabing napakalaking inspirasyon niya hindi lamang sa mga sundalo kundi sa buong sambayanang Pilipino.
Dahil dito kaya nagbubunyi ang buong sandatahang lakas sa tagumpay ni Pacquiao.
Si Pacquiao ay reserved Army colonel ng AFP.