MANILA, Philippines — Umaabot sa 186 mga Local Chief Executives (LCEs) na karamihan ay mga Mayor ang tinanggalan ng supervisory powers sa mga pulis simula ng maupo sa puwesto si Pangulong Duterte.
Sinabi ni Department of Interior and Local Government (DILG) officer-in-charge Secretary Eduardo Año, ang naturang mga LCE ay tinanggalan ng kapangyarihan sa mga pulis dahil sa pagkakasangkot sa illegal drug trade, kabiguang masawata ang terorismo at pagsuporta sa mga teroristang grupo sa lugar na kanilang nasasakupan.
Ayon kay Año, sa 186 LCEs, walo rito ay mga gobernador at 178 ang mga mayor.
Nasa 156 pang mga lokal na opisyal ang nasuspinde at nadismis sa serbisyo dahil sa grave misconduct, serious dishonesty, neglect of duty, conduct prejudicial to the best interest of the service, pag-abuso sa kapangyarihan at iregularidad.
“By offering the public mechanisms to report complaints, such as the Hotline 8888 and the Office of the President itself, we were able to investigate and file cases against local officials alleged to be abusive or not performing their job in accordance with their mandate,” ani Año.
Sa Boracay Island lamang sa lalawigan ng Aklan na kasalukuyang sumasailalim sa anim na buwang rehabilitasyon ay 17 lokal na opisyal ang nasampahan ng kasong administratibo at kriminal ng DILG.