Manual recount sa Iloilo ipinatigil ng PET, mga basang balota nakita
MANILA, Philippines — Iniutos ng Presidential Electoral Tribunal (PET) ang pagsuspindi sa manual recount sa mga basang balota na mula sa Iloilo na kasama sa electoral protest sa pagitan nina Vice Pres. Leni Robredo at dating senador Bongbong Marcos.
Sa anim na pahinang resolusyon na may petsang July 10, 2018, partikular na iniutos ng PET ang pagpapatigil sa revision proceedings o manu-manong pagbibilang ng boto mula sa Clustered Precinct No. 22 sa Barangay Puerto Princesa sa Bayan ng Barotac Viejo sa Iloilo.
Kasabay nito, iniutos din ng PET na gamitin na lamang sa pagbibilang ang decrypted image ng balota mula sa nasabing clustered precinct.
Pinagpapaliwanag din ng PET ang Municipal Treasurer ng Barotac Viejo na may kustodiya sa ballot boxes kaugnay ng nawawalang minutes of voting at election return mula sa Clustered Precinct Number 29 sa Barangay San Francisco, pati na ang problema sa selyo at malaking bitak sa ballot box mula sa nasabing lugar.
Binigyan din ng PET ng 10 araw ang isa sa mga head revisor na si Princess Bometivo na ipaliwanag ang naiwan na isang piraso ng Voters Verification Receipt (VVR) sa ilalim ng kanyang lamesa at kung bakit hindi siya dapat alisin bilang head revisor dahil sa kapabayaan.
Samantala, binigyan naman ng Korte Suprema ang Commission on Elections (Comelec) ng 10 araw para magpaliwanag sa 25-percent shading scheme na inihihirit ni Robredo sa pagbibilang sa balota.
Ibinasura rin ng PET ang hirit ni Marcos na imbestigahan ang “outing” na umano’y inisponsor ni Robredo sa mahigit 20 PET head revisors at revisor sa isang resort sa Pansol, Calamba City, Laguna.
- Latest