MANILA, Philippines — Natagpuan na ng mga awtoridad ang sasakyan na hinihinalang ginamit ng mga suspek sa pagpatay kay Trece Martires City, Cavite Vice Mayor Alex Lubigan.
Nakita ang inabandonang Toyota Hi-lux na nakasampa na tila balak na ihulog sa tulay ng Mabacao-Pantihan bridge sa Bgy. Tulay B, Maragondon, Cavite.
Ayon sa pulisya, alas 6:55 ng umaga ng matagpuan ang naturang metallic black/dark green na Hi-lux na walang plaka at conduction sticker.
Tumutugma umano ito sa sasakyan ng bumaril at pumatay kay Lubigan at sa driver nito na si Romulo Guillemer. Dalawa pang bodyguard ng bise alkalde ang sugatan sa insidente.
Nakatakdang isailalim sa inspeksiyon ang narekober na sasakyan upang malaman kung ito nga ang get-away car ng mga suspek.
Magugunita na lulan ng kanyang Toyota Hi-lux na kulay black, may conduction sticker YV4077 ang vice mayor kasama ang kanyang 3 bodyguard at driver ng bigla itong tapatan ng isang itim na sasakyan at sunud-sunod na pinaputukan noong Hulyo 7.