Dahil sa pagpatay sa mga local execs
MANILA, Philippines — Upang maiwasang maulit pa ang pamamaslang sa mga lokal na opisyal, inutos kahapon ni Philippine National Police Chief P/Director General Oscar Albayalde ang malawakang paghuli sa naglipanang mga gun for hire at 78 pang natukoy na Private Armed Groups sa bansa.
Kasunod ng magkakasunod na pagpatay kina Tanauan City Mayor Antonio Halili noong Hulyo 2; General Tinio, Nueva Ecija Mayor Fernando Bote noong Hulyo 3 sa ambush sa Cabanatuan City at panghuli ay nitong Sabado nang pagbabarilin at mapatay rin si Trece Martires City, Vice Mayor Alexander Lubigan.
Sinabi ni Albayalde na dahil mga pulitiko tulad ng mga mayor at bise alkalde ang target ay pulitika ang nangungunang motibo at pinaigting na ang seguridad kaugnay ng gaganaping 2019 mid term elections sa bansa.
Kabilang sa isasagawa ng PNP ang pagpapalakas ng police visibility, random checkpoints 24/7, focused law enforcement operations upang mapigilan ang posible pang mga insidente ng karahasan na may kaugnayan sa pulitika.
Aniya, asahan na ang pagpapaigting ng checkpoint 24/7 sa buong bansa partikular na sa Metro Manila at mga karatig na lugar.
Samantalang paiigtingin din ang intelligence operations at paglipol laban sa mga gun for hire at maging PAGs.
Ayon kay Albayalde, nasa 78 grupo ng mga PAGs ang hawak ng mga pulitiko sa Mindanao habang ang mga gun for hire na ginagamit sa pagtumba o pagpatay sa mga kalaban sa pulitika ay karamihan ay nakabase sa Luzon at ilan lamang sa Visayas Region.
Sinabi ni Albayalde, base sa inisyal na imbestigasyon, hindi konektado ang mga pagpatay sa mga lokal na opisyal bagkus ay magkakaiba ang motibo na nagkataon lamang na magkakasunod ito.
Nilinaw pa ni Albayalde na hindi totoo na mayroong direktiba si Pangulong Rodrigo Duterte na patayin ang mga pulitiko dahil malabo na may mangyari na mga pulis pa ang nasa likod at gagawa nito.