Pulitika nakikita sa mga patayan

Paniwala rin ng Palasyo

MANILA, Philippines — Pulitika ang nakikita ng Malacañang na motibo sa pagpaslang sa ilang local officials, ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque.

Sinabi ni  Roque sa media briefing na ito ang paniniwala ng Malacañang sa harap ng magkakasunod na pagpatay kina Tanauan City Mayor Antonio Halili, General Tinio Mayor Ferdinand Boto at Trece Martires Vice-Mayor Alex Lubigan.

Idinagdag pa ni Roque, batay sa resulta ng imbes­tigasyon ng pulisya ay hindi magkakaugnay ang kaso ng pagpaslang kina Halili, Bote at Lubigan.

Wika pa ng presidential spokesman, pananagutan ng estado na malutas at bigyan ng hustisya ang mga biktima ng pamamaslang.

Ayon pa kay Roque, puspusan ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya at iba pang investigation agencies para matukoy kung sino ang nasa likod ng pagpaslang na local officials kamakailan. (rudy andal)

Samantala, kasama sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) ang anggulong maaring may kinalaman sa umano’y destabilisasyon ang pagpatay sa tatlong local executives. 

Ito ang tinukoy ni Department of Justice Secretary Menardo Guevarra na nag-utos na rin sa NBI na imbestigahan ang pagpatay kay Lubigan. 

Magkagayunman, sinabi ni Guevarra na luma­labas base sa paunang pagsisiyasat na hindi magkakaugnay ang pagpatay kina Lubigan, Halili at Bote. 

Kabilang din kasi sa pinasisiyasat ng DOJ ay ang posibilidad na mayroong pattern o kunektado sa isa’t isa ang tatlong insidente ng pagpatay. 

Show comments