POEA nagbabala sa ‘marriage-for-job’ sa China

Ang babala ay inilabas ng POEA matapos na ireport ng Department of Foreign Affairs na limang Pinay sa Tongxu, Henan province ang humihingi ng repatriation assistance mula sa pamahalaan.
File

MANILA, Philippines — Pinag-iingat ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang mga Pilipina laban sa mga nagre-recruit upang ipakasal sa mga Chinese at pagtrabahuhin sa China.

Ang babala ay inilabas ng POEA matapos na ireport ng Department of Foreign Affairs na limang Pinay sa Tongxu, Henan province ang humihingi ng repatriation assistance mula sa  pamahalaan.

Ang limang Pinay at ni-recruit ng dalawang Chinese nationals na sina Song Gang at Li Chunrong alyas Steven Lee sa pangakong bibigyan sila ng trabaho sa China. Si Lee ay kasal sa isang Pinay na taga Urbiztondo, Pangasinan.

Batay sa pahayag ng isa mga ni-recruit, inayos ni Lee at misis nito ang kanyang kasal kay Wei Qi Lai na noo’y nasa Pangasinan bilang tourist. Nangako umano si Lee na bibigyan ng dowry ang kanyang pamilya ng P140,000 matapos ang kanilang kasal hanggang sa makakuha ng Chinese visa. 

Subalit P100,000 lamang ang natanggap ng kanyang pamilya dahil binawasan na umano ang mga gastos sa kasal at reception gayundin ang travel documents.

Ikinasal sila sa Pangasinan noong September 11, 2017, at umalis kasama si Lai noong November 13, 2017. Tumira ang dalawa sa pamilya ni Lai sa Zhangzhou.

Ayon naman sa tanggapan ng Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs (OUMWA, bagamat legal ang kasal ng limang Filipina, hindi naman sila pinapayagan na magtrabaho.

Nadiskubre ding walang kakayahan ang mga asa­wang Chinese na suportahan ang kanilang pamilya na taliwas sa pangako  ng kanilang recruiter.

Masasabing maayos pa ang kanilang lagay sa unang buwan subalit nakaramdam sila ng takot nang kumpiskahin ng kanilang Chinese husband ang kanilang mga passport.

December 25, 2018, nang ihagis umano ang  Pinay ng kanyang asawa nang magkaroon sila ng pagtatalo. Nagsampa ang Filipina ng physical injuries at sexual abuse hanggang sa makatakas noong April 23, 2018.

Lumilitaw sa report ng DFA na 23 Filipino women ay kasal sa mga Chinese nationals para sa oportunidad na makakuha ng trabaho sa China.

Show comments