Mga alkalde kabado
MANILA, Philippines — Kasalukuyan nang naaalarma at nababahala sa kanilang buhay ang mga alkalde sa buong bansa dahil sa mga kaso ng pamamaslang sa kanilang hanay.
Ito ang isiniwalat kahapon ni Mayor Maria Fe Brondial, Presidente ng League of Municipalities in Philippines (LMP), kung saan pagpupulungan nila ang nasabing isyu para sa mga kaukulang hakbang.
Ginawa ni Brondial ang pahayag sa interview sa DZMM radio matapos naman ang huling insidente ng magkakasunod na pagkakapatay sa dalawang alkalde.
Kabilang dito sina si Tanauan City, Batangas Mayor Antonio Halili noong Lunes at pangalawa naman ay si General Tinio, Nueva Ecija Mayor Ferdinand Bote kamakalawa.
“Natatakot na po sila, lalo ang ating mga mayors na nasa listahan (narco list ni Digong). Nakakatakot, at nakakaawa rin sila na sabi nila, ‘Mayor, hindi naman talaga kami kasali dyan. Bakit kami nakasama?’” pahayag ni Brondial.
Sinabi nito na kinokondena ng LMP ang walang pakundangang pamamaslang sa ilang mga alkalde.
“Sa mga nangyayari ngayon, nakikita natin na wala nang takot ang mga pumapatay, wala nang takot sa Diyos at respeto sa buhay ng mga tao kaya yun ay talagang nakakatakot na maging public official ka pero syempre talagang mandate tayo”, giit pa nito.
Idiniin niya nang diin nito na kung may nagawa mang kamalian o pagkakasangkot sa irregularidad tulad ng anumang krimen ang mga lokal na opisyal ay dapat hindi ang mga ito sentensyahan ng kamatayan at sa halip ay sampahan ng kaso sa korte.
“Meron tayong korte. May [Office of the] Ombudsman, may DILG (Deparment of Interior and Local Government) na puwede nating isampa ang reklamo laban sa mga nagkakamaling mga mayors. Pero hindi [sila] dapat paslangin,” punto ng alkalde.
Sa tala simula ng manungkulan sa puwesto si Pangulong Duterte noong Hulyo 2016 ay apat na bise alkalde at sampu namang alkalde ang napaslang.
Kabilang dito sina dating Datu Saudi Ampatuan Mayor Samsudin Dimaukom; Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa Sr.; Pantar, Lanao del Norte Mayor Mohammad Exchan Limbona; Marcos, Ilocos Norte Mayor Antonio Agustin; at Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog na pawang nasa drug list at iba pa.
CHR nabahala
Nagpahayag din ng pagkaalarma ang Commission on Human Rights sa pamamaslang kina Halili at Bote.
Ayon kay Atty. Jacqueline de Guia, spokesperson ng CHR, “Lubos na nababahala ang Komisyon sa Karapatang Pantao. Yung pagkakapatay sa kanila ay hindi ordinary, nakita nga natin sa kaso ni Mayor Halili, in broad daylight ito at habang isinasagawa yung flag ceremony sa syudad ng Tanauan. Nakakaalarma yung mga ganitong pangyayari dahil nailalagay na nga sa peligro ang maraming mamamayan, lalung-lalo na ang may kakayahan, dapat na protektahan ang sarili nila, paano pa kaya yung mga ordinaryong tao.”
Walang culture of impunity
Iginiit naman kahapon ng Malacañang na walang culture of impunity sa bansa dahil hindi kinukunsinti ng gobyerno ang anumang state-sponsored killing,” ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque.
“Patuloy kaming sumusunod sa panuntunan ng batas at ikinokonsidera ang pamamaslang kamakailan sa mga kilalang personalidad na isang pagtatangkang sirain ang kumpiyansa sa Presidente na ang pangunahing plataporma de gobyerno ay nakasandig sa pagbaka sa mga krimen,” paliwanag ni Roque.
Aniya, ginagawa ng pulisya ang lahat upang matukoy at maaresto ang nasa likod ng pagpaslang kina Halili at Bote.
- Latest