MANILA, Philippines — Hinamon ng isang obispo ang Malakanyang na tukuyin amg mga lider ng simbahan na nakikipagpag-ugnayan umano sa mga rebeldeng komunista upang patalsikin si Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, hinamon nito si Presidential spokesman Harry Roque na patunayan ang alegasyon na nakikipagsabwatan ang simbahan upang pabagsakin ang administrasyong Duterte.
Ayon kay Pabillo, dapat na pangalanan ni Roque ang sinasabi nitong lider ng simbahan dahil magmumukhang tsismis lamang ang lahat.
Sinabi ni Pabillo na ang paulit-lit na bintang ng Malakanyang ay indikasyon ng pagiging “insecure” ng Duterte administration.
Maging si Pastor Boy Saycon, na miyembro ng Malacañang panel ay nagbitaw din ng pahayag na may ilang taga-simbahan ang gumigiba sa gobyerno.
Subalit itinanggi naman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang umano’y coup plot.
Samantala, naniniwala ang Malacañang na isang free flowing discussion ang inaasahang mangyayari sa nakatakdang paghaharap sa Palasyo nina Pangulong Duterte at CBCP President Archbishop Romulo Valles sa Lunes, ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque.
Sinabi ni Roque na wala pang napagkasunduang agenda na inihanda para sa nakatakdang pagkikita ng dalawa lider na gaganapin sa Malacañang.
Inihayag ni Roque na ang kanilang inaasahang mangyayari ay pag-uusap ng dalawang matagal ng magkaibigan at magkababayan.
Naniniwala naman si Roque na mas mapagtutuunan ng pansin sa nakatakdang dayalogo ang mga nakaraang naiulat na insidente ng pagkakapatay sa ilang alagad ng simbahan.
Nilinaw naman ni Roque na ilang miyembro ng Simbahang Katolika lamang ang tinukoy niyang nakikipagsabwatan sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) para patalsikin si Pangulong.
Sinabi ni Roque, hindi buong Simbahang Katolika kundi ilang miyembro lamang nito ang tinutukoy niya na posibleng makipagsabwatan para patalsikin sa puwesto si Pangulong Duterte.
Ayon kay Roque, babala lamang din ito sa Simbahanga Katolika kaugnay sa maaaring pagpasok sa kanilang hanay ng mga komunista. (Rudy Andal)