MANILA, Philippines — Ipapatawag ng Senado sina dating DILG Sec. Mar Roxas at dating PNP chief Alan Purisima kaugnay sa P1.8 bilyong patrol vehicles na natuklasan ng Commission on Audit (COA) na disadvantegous, ayon kay Sen. Grace Poe.
Pinuna ng COA ang pagbili ng 3,000 Indian-made na Mahindra vehicles ng PNP noong nakaraang administrasyon na natuklasang ‘unfit’.
Noong 2014 ay kinuwestyon na ni Sen. Poe ang pagpabor ng PNP sa Mahindra para sa patrol jeep nito sa kabila ng kawalan nito ng track record sa Pilipinas kumpara sa Toyota at Ford.
“Ipapatawag natin si General Purisma. Kailangan nating ipatawag iyung namuno ng DILG sapagkat ganito kalaki P1.8 billion, hindi naman maaprubahan iyan ng PNP kung hindi po iyan pinaboran din ng DILG,” sabi ni Poe.
Natuklasan ng COA na ibinaba ang minimum standard specifications para sa patrol car ng Mahindra kaya nagkaproblema ito sa acceleration at engine performance bukod sa nalaman din na marami sa mga Mahindra vehicle ay hindi gumagana.
Kasabay nito, sinabi ni PNP Directorate for Logistics Chief P/Director Jovic Ramos, 10% sa 3,000 Mahindra patrol vehicles ay nakatengga o hindi ginagamit dahil walang spare parts nito na mabibili sa bansa.
Inamin nito na may problema sa supply ng piyesa dahil hindi sa kumpanya ng Mahindra nanggaling ang piyesa kundi sa Columbian motors.