MANILA, Philippines — Kinumpirma kahapon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na tunay ang banta ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) na ibagsak ang administrasyon ni Pangulong Duterte.
“It is credible as it came from recovered documents from surrendered members of the communist NPA,” ayon kay AFP spokesman Col. Edgard Arevalo.
Ang planong pagpapatalsik kay Pangulong Duterte ay may palugit umanong hanggang Oktubre 2018.
“They have that particular plan and they have hatched that during the period na nagsasagawa tayo ng usapang pangkapayapaan. Ang deadline nila base dun sa information is October of 2018,” ani Arevalo.
Hinggil naman sa sinabi ni Presidential Spokesman Atty. Harry Roque na may sabwatan ang CPP-NPA at Simbahang Katoliko para mapatalsik sa puwesto si Pangulong Duterte, sinabi ni Arevalo na wala silang impormasyon ukol dito.
Hindi rin nito masagot kung kasabwat ang oposisyon o mga kritiko ng administrasyon o kung may ibang grupo ring kasama sa plano.
Kaugnay nito, sinabi ni Arevalo na hindi nila ipinagwawalang bahala ang impormasyon at umalerto na ang tropa ng militar upang huwag magtagumpay ang anumang pagbabantang pabagsakin ang gobyerno.
“We cannot take chances ano po, if it’s a threat not only to the liberties of our people but also the life of the President, we in the defense department has to take that seriously,” ani Arevalo.